Comelec, IBP, PALS, sani-pwersa laban sa pagbili, pagbebenta ng boto sa BSKE

Nagsanib-pwersa ang Commission on Elections, Integrated Bar of the Philippines at Philippine Association of Law Schools para sa nalalapit na barangay at sangguniang kabataan elections upang labanan ang pamimili at pagbebenta ng boto.

Makikipagtulungan ang mga samahan ng mga abogado at mga law schools sa Commission on Elections (Comelec) upang labanan ang pamimili ang pagbebenta ng boto sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Pumirma sa kasunduan ang komisyon kasama ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) and the Philippine Association of Law Schools (PALS) kung saan magsasanib pwersa ang mga grupo upang magpakalat ng tamang impormasyon laban sa pagbili at pagbenta ng boto.

Hindi magagawa ng Comelec ang pagpapakalat ng impormasyon nang mag-isa kaya nakipagkasundo ito sa mga naturang organisasyon, paliwanag ni Comelec chair George Garcia.

Ayon kay Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr., sisimulan ng mga grupo ang pagpapakalat ng impormasyon sa sarili nitong mga hanay kung saan tatalakayin ito ng mas malalim. Ipapaalala rin sa mga kasapi sa organisasyon na ang pagbenta at pagbili ng boto ay seryosong paglabag sa batas na may kaukulang parusa.

Maaari ring tumulong ang mga abogado sa mga grupo na lumitis sa mga kaso, ayon kay Maceda, ang itinalagang pinuno ng Committee on “Kontra-Bigay” ng Comelec.

Nagpahayag naman ng suporta sina Abogado Antonio Pido, IBP national president, at Dean Gemy Festin, president ng PALS.

Ayon kay Garcia, may isang insidente pa lang ng pinaghihinalaang pamimili ng boto ang naitala ng komisyon. Ito ay ang diumanong pamamahagi ng pagkano ng isang grupo ng kandidato sa mga residente.

Ang anumang pagbigay, pag-alok at pagpangako ng pera o anumang bagay na may halaga ay ipinagbabawal sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Ipinagbabawal rin sa naturang batas ang pag-solicit o pagtanggap ng mga ito kapalit ng boto.

Pinadalhan na ng Comelec ng show cause order ang mga naturang kandidatong sangkot sa insidente. Sa ilalim ng show cause order, pinagpapaliwanag ang mga kandidato ng komisyon kung bakit hindi sila dapat maparusahan.