Comelec, binuhay ang ‘Kontra Bigay’ kumite na susugpo sa bentahan, bilihan ng boto sa BSKE

Binuo ng Commission on Elections ang isang grupo sa komisyon na tututok sa usapin ng pagbili at pagbenta ng boto sa nalalapit na Barangay at SK Elections.

Muling binuhay ng Commission on Elections (Comelec) ang grupo na may pangunahing mandato na pigilan ang paglaganap ng vote buying at vote selling sa nalalapit na Barangay at SK Elections.

Sa pulong balitaan noong Huwebes, Setyembre 7, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na bumuo ang Comelec en banc ng Committee on Kontra Bigay na gagawa ng mga hakbang laban sa pagbebenta at pamimili ng boto.

Pangungunahan ito ni Commissioner Ernesto Maceda Jr.

“Dati po nadinig niyo na ‘yung Task force Kontra Bigay. Nasimulan po ‘yan nung 2019, itinuloy nung 2022. Ito po ay isang ad hoc task force. Ngayon po isang formal committee—Committee on Kontra Bigay na po siya,” ani Laudiangco.

“So magkakaroon ng dedicated na tao na tututok dito. Mas magiging maayos po ‘yung coordination sa ating law enforcement agencies. So meron na pong specific na opisina ang Comelec na tututok lamang sa vote-buying,” dagdag pa niya.

Pinaalala ni Laudiangco na mabigat na election offense ang pagbenta at pagbili ng boto, at may parusa itong pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon.

Kasama rin ang parusang pagbabawal umupo sa pampublikong opisina, at pagtanggal sa karapatang bumoto.

“May idadag pa kaming isa. Itong mga bagay na ‘to kung mapapatunayan natin, maari ring magdulot ng inyong disqualification, kung mareresolba kaagad ang kaso, maaari kayong matanggal sa listahan ng mga kandidato,” ani Laudiangco.