Comelec: Bawal mamigay ng t-shirt, sombrero sa kampanya para sa barangay, SK elections

Bawal na mamahagi ng t-shirt, sombrero, at iba pang mga bagay na may halaga para sa kampanya sa nalalapit na Barangay at SK Elections sa Oktubre, ayon sa Commission on Elections.

Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) na mariing ipinagbabawal ang pamamahagi ng anumang bagay na may halaga tulad ng t-shirt, pamaypay, sombrero, baller, at iba pa sa nalalapit na kampanya para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang pamimigay ng mga bagay na may halaga ay maaaring ikunsidera na vote-buying o vote-selling.

“Any other kind of campaign paraphernalia katulad ng t-shirts, ball caps, baller bands, at iba pa… ‘yan po kasi ay maaaring ma-consider, dahil may halaga ito, na isang pamamaraan ng pamimili ng boto,” ani Laudiangco.

Iginiit ng komisyon sa isang kautusan ang mga panuntunan sa pamimigay ng campaign material para sa nalalapit na BSKE sa Oktubre.

“Distribution of campaign materials which contain the name, image, logo, brand, insignia, color motif, initials, and other symbol or graphic representation that is capable of being associated with a candidate or party, and is exclusively intended to draw the attention of the public or a segment thereof to promote or oppose, directly or indirectly, the election of a candidate to a public office are prohibited,” ayon sa kautusan.

Sakaling nais pa rin ng kandidato na magbahagi ng ipinagbabawal na campaign material, maaari itong humingi ng special permit sa komisyon.

“Otherwise, sa sampung araw ng pangagampanya, kung tayo ay mamimigay niyan nang walang pahintulot, maaari itong ma-construe bilang isang pamimili ng boto dahil ang mga bagay na ‘yan ay may halaga po,” ani Laudiangco.

Ipinaalala rin ni Laudiangco na ang maximum na sukat para sa mga poster at tarpaulin ay 2×3 feet; 8.5×14 inches para sa leaflets at flyers, at 3×8 feet para sa mga banner at streamer.