Comelec: 91 kandidato, binigyan ng show cause order dahil sa ‘premature campaigning’

Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections ang 91 na kandidato sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa mga diumanong paglabag sa batas tulad ng premature campaigning.

Umabot na sa 91 na kandidato sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang binigyan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa diumanong paglabag sa panuntunan ng eleksyon tulad ng premature campaigning.

Ayon kay Comelec chair George Garcia, binigyan ng tatlong araw mula sa pagkatanggap ng kautusan ang mga kandidato para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusanan.

“‘Yan po, walang formal na complaints. ‘Yan pong mga ‘yan ay resulta ng mga nakita na natin o nai-report sa atin. Ang ginawa ng Comelec, motu proprio [investigation]. Sariling initiative ito ng Commission on Elections,” aniya.

“’Yung sinabi kong 91, simula pa lang ‘yun. Madami pa po. Susunod-sunurin natin, at aaraw-arawin,” dagdag pa ni Garcia.

Patuloy ang pagbabala ng komisyon sa mga kandidato na bawal pa mangampanya dahil ang itinakdang campaign period ay mula Oktubre 19 hanggang 28.

Giniit ni Garcia na may kapangyarihan ang Comelec na imbestigahan at magsampa ng reklamo laban sa mga kandidatong lalabag sa election laws.

Bawal rin ang pagkakabit ng mga poster at pag-promote sa mga sarili nila sa social media bago magsimula ang campaign period. Ang mga hakbang na ito ay maaaring makunsiderang premature campaigning, ayon sa opisyal.

Hinikayat ni Garcia ang mga botante na magsampa ng reklamo laban sa mga kandidatong magtatangkang mangampanya bago magsimula ang takdang campaign period.