Comelec: 65 na disqualification cases, inihain sa komisyon

Nagsimula na ang batuhan ng putik sa Commission on Elections, matapos makapagtala it ng 65 reklamong natanggap na naglalayon diskwalipikahin ang COC ng kani-kanilang kalaban para sa 2023 BSKE.

Umabot na sa 65 na asunto ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) na naglalayong kanselahin ang mga certificates of candidacy (COC) at diskwalipikahin ang mga kanditado sa nalalapit na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Samantala, wala pa namang naghahain ng petisyon laban sa diumanong mga nuisance candidates, o mga panggulong kandidato, ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si Rex Laudiangco.

“Inaasahan namin na tataas pa ‘yan kasi ‘yung mga nag-file nung Lunes lamang ng candidacy ay meron pang limang araw pagkatapos mag-file ng COC para masampahan ng mga naturang kaso,” he said.

Maraming petisyon ang maaaring ihain ng mga kandidato na naglalayong kontrahin ang aplikasyon ng mga makakalaban nila matapos ang limang araw pagka-hain nito ng kanilang COC sa komisyon, paliwanag ni Laudiangco.

Ayon sa report ng Comelec, umabot sa 1,414,487 na indibidwal ang naghain ng kanilang kandidatura para sa BSKE mula sa 82 probinsya ng bansa.

Mula sa kabuuang bilang, 96,962 ang tumatakbo para maging punong barangay; 731,682 naman para maging kagawad; 92,774 para maging SK chairperson, at 493,069 para maging SK kagawad.