Coast Guard kuno pero kamote naman: PCG, iniimbestigan ang junior officer diumano na sangkot sa reckless driving sa SLEX

Sa video na in-upload sa X Vlogs Facebook page, makikita ang pagpasok sa SLEX ng sinasabing junior officer ng Coast Guard kahit pa bawal rito ang kaniyang Suzuki Raider na 150cc lamang.

Sinimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang imbestigasyon sa diumano’y junior officer nito na sangkot sa reckless driving sa kahabaan pa mismo ng South Luzon Expressway (SLEX).

Iyan ay matapos makatanggap ang Coast Guard Intelligence Force ng sulat mula sa Land Transportation Office (LTO) tungkol nga sa inasal ni PCG Ensign Alain Anthony Agpalo, na mismo pang nag-post sa social media sa kaniyang mga paglabag sa batas.

“We assure the public that we will cooperate with the LTO investigation. We will also conduct a parallel investigation and sanction CG Ensign Agpalo based on the evidence,” pagtitiyak ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

Sa video na in-upload ni Agpalo pa mismo sa X Vlogs Facebook page, makikita ang kaniyang pagpasok sa SLEX kahit pa bawal rito ang kaniyang Suzuki Raider na 150cc lamang. Makikita rin sa video, na binura na, kung paano tumakbo ng 140 kilometro kada oras si Agapalo kahit pa 100 kilometro kada oras lamang ang limitasyon sa SLEX.

“Here in the Philippine Coast Guard, we do not tolerate officers or personnel violating existing laws and regulations implemented by other agencies. They must face the consequences of their actions,” dagdag pa ni Gavan.

Nauna nang ipinatawag ng LTO si Agpalo sa opisina nito upang magpaliwanag ng personal kung bakit hindi siya dapat kasuhan at tanggalan ng lisensiya.