Co: Bicol Loco Hot Air Balloon Festival, matagumpay!

Ipinihayag ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co na naging matagumpay ang kauna-unahang Bicol Loco Hot Air Balloon and Music Festival na ginanap sa Old Legazpi Airport.

Ipinihayag ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co na naging matagumpay ang kauna-unahang Bicol Loco Hot Air Balloon and Music Festival na ginanap sa Old Legazpi Airport.

Nitong Mayo 3 hanggang 5 ay pinasaya ng iba’t ibang guests, hot air balloon, special air shows, at aerial acrobatics ang mga taga-Bicol sa naturang festival.

Ayon kay Co, isa sa kamangha-mangha sa naganap na event ay ang background na Mayon Volcano.

“Siempre pa, nagsilbing backdrop ng naglalakihang hot air balloons ang napakaganda at pinagmamalaki nating Mayon Volcano,” sabi ni Co.

“Talaga namang makatindig-balahibo ang tanawin habang sumasa-himpapawid ang iba’t hugis na hot air balloon na pinapalipad ng mga expert balloonists mula sa United Kingdom, USA, South America at iba pang bansa,” dagdag pa nito.

Aniya, layon ng festival na mapaangat ang turismo sa rehiyon upang maabot ang target na 7.7 milyong international visitors ngayong taon.

Samantala, sinabi ni Co: “Oras na dagsain ng mga dayuhan at lokal na turista ang rehiyon, lilikha ito ng maraming oportunidad sa pagnenegosyo. Sisigla ang mga hotel, restawran, iba pang establisiyimento pati na ang benta ng mga lokal na produkto. Inaasahang lilikha rin ito ng maraming trabaho sa marami nating kababayan.”