Change career na ba? Trabahong may kinalaman sa cybersecurity, inaasahang pang tataas dahil sa mataas na demand—NEDA

Ang mga hacking incident sa mga ahensiya ng gobyerno at ang pagtaas ng cybercrime ay patunay lamang na kailangan ng bansa ng mas maraming mga cybersecurity experts.

Sinabi ng isang opisyal ng National Economic and Development Authority (NEDA) nitong Sabado, Disyembre 9, na dadami ang mga trabahong may kaugnayan sa cybersecurity.

“Dahil maraming industry na nagiging high tech na, this means na magiging big user sila ng internet, technology… Pero ‘yung nagspe-specialize sa cybersecurity, kaunti,” paliwanag ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa isang news forum sa Quezon City.

“Nakikita namin na isa din ‘yun sa mga isang in demand in the future, kasi marami nang ginagawa na online transactions.”

Nitong Oktubre lamang, sinabi ni Information and Communications Technology (ICT) Secretary Ivan John Uy na hindi gaanong pinapansin ng mga organisasyon at maging mga ahensiya ng gobyerno ang cybersecurity, marahil dahil hindi nila alam ang mga epekto nito.

BASAHIN RIN: Hi-tech na ang krimen ngayon: Bilang ng cybercrime, mas mataas ng 400% kumpara nakaraang taon

Subalit sa pagdami ng cybercrime sa bansa, gaya na lamang ng hacking incident sa Philippine Health Insurance Corp. at sa mismong website ng House of Representatives, malaki ang posibilidad na tututukan na nang marami ang cybersecurity.

Kaya naman nakikita ng NEDA na magiging in-demand ang mga trabahong may kinalaman sa cybersecurity, lalo na’t patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang digitalization.

BASAHIN RIN: May pambihirang galing: PBBM, Silicon Valley, nakatakdang magtulungan sa AI, cybersecurity