Ceasefire muna para makalikas ang mga sibilyan: Ika-4 na Pilipinong nasawi sa Israel, kinumpirma ng DFA

Tinutukoy pa ang sanhi ng pagkamatay ng ikaapat na Pilipino na nagipit sa girian ng Israel at Hamas, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Apat na ang Pilipinong namatay sa karahasan sa Israel.

Ito ang masamang balita na kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo nitong Huwebes, Oktubre 19.

“The Department of Foreign Affairs confirms that one more Filipino national in Israel has been killed due to the Israel-Gaza conflict,” saad ng DFA sa mga post nito sa social media. “This brings the number of deaths to four.”

Dalawang Pilipinong caregiver ang unang nakumpirmang patay dahil sa karahasan sa Israel at Gaza, samantalang isa pang biktima ang nakumpirma rin nito lamang Oktubre 13.

Matapos nito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na tutulungan ng pamahalaan ang mga naulila ng mga namatay sa giyera.

Tiniyak naman ng DFA na bibigyang suporta rin ng pamahalaan ang pamilya ng ikaapat na nasawi.

“The Philippine government will provide support and the assistance needed for the family of the deceased,” pagtitiyak ng DFA.