Cacdac: Saudi gov’t, nangakong babayaran ang mga OFW na nawalan ng trabaho bunsod ng economic krisis sa kaharian noong 2015

Babayaran ng Saudi Arabia ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho nang makaranas ang kaharian ng economic crisis noong 2015, ayon kay Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac.

Bumuo na ng technical committee ang gobyerno ng Saudi Arabia na magpapatupad sa kautusan ng Haring Salman tungkol sa pagbigay ng unpaid wages sa mga overseas Filipino workers, ayon kay Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac.

Sinabi ni Cacdac, na itinalagang officer in charge ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong linggo, na tinatayang may 10,000 na OFW ang nagtrabaho para sa siyam na kumpanya sa Saudi na nabangkarote noong 2015 nang makaranas ang kaharian ng economic crisis.

Ayon kay Cacdac, nangako ang gobyerno ng Saudi Arabia na babayaran ng buo ang mga manggagawa na kalaunan ay nawalan ng trabaho nang magsara ang mga kumpanya.

Ginarantiya rin ng Saudi government na may sapat na pondo sila para bayaran ang mga OFW, dagdag pa ng opisyal. Kasalukuyan ang ginagawang proseso ng Saudi government, at hindi pa malinaw kung kailan masisimulan ang pagbabahagi ng sahod, aniya.

“Medyo hamon dito ang pag-determina kung sino ang mga claimants at proseso ng pamamahagi in coordination with the Philippine side,” ani Cacdac.

Noong Nobyembre ng nakalipas na taon, sinabi ng Saudi government sa yumaong DMW Secretary Susan “Toots” Ople na nagtabi na sila ng 2 bilyong Riyal (katumbas ng higit sa P30.2 bilyon) para tulungan ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho.

Magbebenepisyo ang mga manggagawa sa mga kumpanyang tulad ng Saudi Oger, MMG, Bin Laden group, at iba pang construction companies na nabangkarote at nagsara simula 2015.