Buwis kada “Add to Cart!” 1% withholding tax sa mga online stores, sisimulan sa Disyembre —BIR

Ipinaliwanag ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na matatapos na ang mga panuntunan sa pagpataw ng buwis matapos ang isinagawang mga public consultation.

Magpapataw ng 1% withholding tax sa mga partner merchants ng mga online shopping platforms simula sa Disyembre kasabay ng inaasahang holiday shopping rush, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na matatapos na ang mga panuntunan sa pagpataw ng buwis matapos ang isinagawang mga public consultation.

“The stakeholders, online platforms, payment channels have already… We have collated their comments, and we will issue the revised regulations that incorporate their comments,” ani Lumagui.

“Our target is, hopefully, we can implement it by December… or at the latest January of 2024,” dagdag pa niya.

Para makasigurong makakakolekta ng buwis mula sa mga online sellers, sinabihan ni Lumagui ang mga online platforms na siguruhing rehistrado ang mga ito sa BIR bago payagan makabenta sa kanilang sistema.

Iginiit rin ni Lumagui na layunin ng BIR na gawing patas ang sitwasyon ng mga negosyanteng may mga physical stores at mga online sellers na nagbebenta gamit ang mga digital platforms.

“Hopefully, we will get an estimate of the entire universe of online transactions,” ani Lumagui.