Buwagin ang kartel! DTI: P2-M na multa, patung-patong na kaso ang nag-aantay sa mga rice hoarders

Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagho-hoard ng bigas na patung-patong na multa at asunto ang isasampal ng gobyerno kapag nahuli silang nag-iimbak nito ng iligal na nagsasanhi ng di-pangkaraniwang pagtaas ng presyo.

Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagho-hoard ng bigas na patung-patong na multa at asunto ang isasampal ng gobyerno kapag nahuli silang nag-iimbak nito ng iligal na nagsasanhi ng di-pangkaraniwang pagtaas ng presyo.

Ayon kay Trade Assistant Secretary Agaton Uvero, magpapakalat ng mga price monitors ang DTI, Department of Agriculture (DA) at mga local government units (LGU) simula Martes, Setyembre 5, ang unang araw ng pagpapatupad ng takdang-presyo sa bigas sa bisa ng Executive Order (EO) No. 39.

“So, iikot po iyong gobyerno, iyong mga composite teams sa mga bodega at hahanapin itong mga profiteers at hoarders at mayroon pong… pwede po silang ma-penalize sa Price Act for profiteering and the hoarding,” paliwanag ni Uvero sa isang pulong-balitaan noong Sabado, Setyembre 2.

“Mayroon pong administrative fine na can go as high as P2 million o pwede pong ma-seizure iyong mga… itong mga bigas na ito. At mayroon din pong criminal—ano iyan, penalty,” dagdag pa ng opisyal.

Giit ni Uvero, malinaw pa sa sikat ng araw ang mandato ng Pangulo: wakasan ang iligal na pag-imbak ng bigas na nagdudulot ng di-pangkaraniwang taas presyo nito at nakakaapekto sa pagtaas ng presyo ng iba pang mga serbisyo at gamit.

Ani Uvero, inaasahan pa niyang hindi muna tataas ang presyo ng bigas dahil parating na rin ang inangkat na bigas mula sa ibayong dagat, na tutulong mag-stabilize ng supply nito sa merkado.

“So, nasaan ngayon itong mga imported rice? Ang nakikita ng gobyerno sinasamantala ng mga traders, ng hoarders, ng mga profiteers na ipitin iyong supply sa merkado para tumaas ang presyo,” aniya.

“Lumalabas sa pag-aaral na hindi nga lang iyong hoarding at malinaw na may sapat na supply tayo. Hindi po nagkukulang ng supply, may nang-iipit po, iniipit po iyong supply natin, marami pong nakatago sa mga bodega,” dagdag pa ni Uvero.