Butas-bulsa ang bumulaga sa Bagong Taon! Mas mataas na presyo ng serbisyo, kontribusyon, sumalubong sa mga Pilipino ngayong Enero 2024

Kabilang sa magtataas ang singil ngayong taon ay ang sa Maynilad at Manila Water Company Inc. matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang kahilingan nilang price adjustment.

Magiging masakit sa bulsa ng mga Pilipino ang pagsisimula ng 2024 dahil sa mga napipintong pagtaas sa iba’t ibang babayarin, gaya ng tubig, pamasahe, at kontribusyon sa mga benepisyo.

Batay sa pagsubaybay ng AKB Express News, maaasahan ang pagtaas sa mga sumusunod:

• Liquefied Petroleum Gas (LPG) – Nauna nang nag-abiso ang Petron na itataas nito ang presyo ng LPG ng P3.40 kada kilo simula sa Enero 1. Ito ay dahil sa pagtaas ng mga presyo sa pandaigdigang merkado.

• Singil sa tubig – Inaprubahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Disyembre lang ang kahilingan ng Manila Water Company Inc. and Maynilad Water Services Inc. itaas ang singil sa tubig. Ayon kay MWSS Regulatory Office chief regulator Patrick Lester Ty tinatayang nasa P6.41–P7.87 kada cubic meter ang itataas ng singil sa tubig simula ngayong Enero.

• Pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) – Nauna na ring inanunsiyo ng pamunuan ng MRT na magtataas na rin ito ng pamasahe para na rin sa mga gastos nito sa operasyon. Kung maipapatupad na, tataas sa P16 ang minimum fare ng MRT3 mula P16. Ang pamasahen sa kabuuang ruta ay tataas sa P34 mula P28.

• Kontribusyon sa PhilHealth – May taunang pagtaas sa kontribusyon sa PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care Law hanggang umabot na sa 5 porsiyento ngayong taon.

• Kontribusyon sa Pag-IBIG – Magpapatupad na rin ng pagtaas sa kontribusyon ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund simula ngayong Enero.