Bumabatak pa ata bago ang duty! 4 pulis sa Metro Manila, nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga

Pansamantalang na-reassign muna ang apat, at mayroon silang 15 araw para i-challenge ang resulta. Kung positibo uli ay mahaharap sila sa pagkasibak sa pwesto o dismissal.

Apat na pulis ng Metro Manila ang nagpositibo sa ginawang random drug test ng Philippine National Police (PNP) matapos ang Kapaskuhan.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Lt. Col. Eunice Salas, 1 sa 175 police officers mula sa NCRPO regional headquarters ay nagpositibo sa drug test na isinagawa noong Enero 4.

Samantala, 3 sa 405 na pulis mula Eastern Police District (EPD) ang nagpositibo rin sa drug test na isinagawa naman noong Enero 2.

Pawang positibo rin ang apat sa kasunod na confirmatory tests.

Dahil diyan ay na-reassign muna ang apat, na may 15 araw para i-challenge ang resulta. Kung positibo uli ay mahaharap sa dismissal ang apat.

“(They have) 15 days to challenge it. Pa-drug test ulit nila yung same specimen sa at DOH Accredited Drug Testing Centers. Then they will be subjected to pre-charge investigation and the summary hearing proceedings penalty is dismissal from the police service,” Salas added.

Kaugnay niyan, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez na tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng random drug testing bilang bahagi ng pagsasaayos ng Pambansang Kapulisan.

Simula nang maitalaga bilang NCRPO chief noong Hulyo 2023, aabot na sa 300 na pulis ang na-dismiss dahil sa iba’t ibang kaso.