Bulkang Mayon, nasa Alert Level 3 pa rin – Phivolcs

Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, ayon sa Phivolcs

Nakapagtala ng 185 rockfall events at 18 volcanic earthquakes sa Bulkang Mayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa nakalipas na 24 oras.

Dalawang pyroclastic density currents (PDC) rin ang naitala sa naturang panahon, ayon pa sa ahensya.

“Rockfall and PDCs generated by collapses of the lava flow margins as well as of the summit dome deposited debris still within four (4) kilometers of the crater,” paliwanag ng Phivolcs sa kanilang ulat ng Huwebes, Setyembre 7.

Nagbuga rin ng tinatayang 2,252-tons ng sulfur dioxide ang bulkan noong Miyerkules, Setyembre 6.

Mabagal pa rin ang paglabas ng lava mula sa summit crater nito, ayon sa ahensya.

Nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon na ang ibig sabihin ay may malaking tsansa itong pumutok sa mga susunod na araw o linggo.

Nirekomenda ng Phivolcs ang pagpapanatili ng paglikas mula sa 6-kilometer-radius Permanent Danger Zone upang maiwasan ang anumang sakuna dulot ng pag-agos ng lava, pagbuga ng abo, pagbagsak ng bato, at iba pang volcanic events.

“Increased vigilance against PDCs, lahars, and sediment-laden streamflows along channels draining the edifice is also advised. Heavy rainfall could generate channel-confined lahars and sediment-laden streamflows in channels where PDC deposits were emplaced,” aniya.