Bukas ang Pilipinas para sa mga bisita! Delegasyon ng French ministers, mas magpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas, France – PBBM

Kinumbida rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si French President Emmanuel Macron sa Maynila kapag nagkataong may state visit siya sa mga bansa sa Asya.

Nakatakdang magpunta ang isang high-level delegation ng gobyerno ng France sa Pilipinas bago matapos ang taon bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.

Itinawag ni French President Emmanuel Macron kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbuo ng delegasyon ng mga ministrong Pranses upang magtungo sa Pilipinas at alamin kung anu-anong mga maaaring pagtulungan ng dalawang bansa.

Sagot ng Pangulong Marcos, maaaring gamitin na panimulang diskusyon ang mga tinalakay noong Hunyo sa ginanap na Philippine-France Joint Economic Meeting.

Kinumbida rin ng Pangulong Marcos si Macron na magpunta sa Maynila sakaling mayroon siyang nakatakdang state visit sa Asya.

“We can work on what was just held last June, the 10th Philippine-France Joint Economic Committee Meeting. And many of the businessmen from France were able to speak to our ministers and some of the local businessmen as well,” sinabi ni Pangulong Marcos kay Macron.

“And so if your ministers will come to visit the Philippines then that will be the next step from that beginning,” dagdag pa ng Pangulong Marcos, na nagpasalamat sa matibay na ugnayan ng Pilipinas at France.

Nagpasalamat rin ang Pangulo sa mainit na suporta ng France sa posisyon ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.

“But may I thank France for all the support that you have given us in terms of our shared values, in terms of following the international law, especially UNCLOS (UN Convention on the Law of the Sea) and it has been of great help the messages of support and even when you sent French vessels to come and patrol. So I have thank you, Mr. President, and France,” ani Pangulong Marcos.

Ipinagdiwang kamakailan ang ika-75 na anibersaryo ng pormal na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at France.