BuCor chief, plano ilipat ang mga PDL sa Muntinlupa papuntang penal farms sa Palawan, iba pang lugar

Nais ilipat ni Bureau of Corrections chief Gregorio Catapang Jr. ang mga PDL sa Muntinlupa papuntang penal farms sa Palawan at iba pang lugar para magtanim at makita ang kahalagahan ng pagtatrabaho.

Planong ilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) ang karamihan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa Palawan at iba pang mga penal farm sa lalong madaling panahon, dahil balak nitong isara na ng permanente ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa sa 2028.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na mayroong 30,000 na PDL sa Bilibid at gumagastos ang gobyerno ng tinatayang P120,000 kada isa taun-taon.

Kaya para kay Catapang, mahalaga na maging produktibo ang mga PDL para makatulong rin sa gobyerno, aniya.

“Talaga pong puspusan po ito, kasi ang kailangan po talaga maging relevant ang PDL,” sinabi ni Catapang.

“Walang ginagawa ang PDL, nasa preso lang sila. Pero ang nakalimutan po dito, ang pangalan po ng ating mga kulungan, Davao o Iwahig Prison and Penal Farm, so kailangan may farm para sa ganoon iyong mga nakakulong magiging productive, para makapagtanim sila, makakatulong sa bayan,” dagdag pa niya.

Makikita rin ng mga PDL ang kahalagahan ng pagtrabaho para sa kanilang pagkain kapag nailipat sila sa mga penal farms at colonies sa labas ng Metro Manila, paliwanag pa ni Catapang.

“Kung masusuwertihan nga po natin sa Palawan, matatamnan po lahat iyong 28,000 hectares. Eh makakaya po ibaba talaga iyong presyo ng bigas,” sinabi pa ng opisyal.