Bubong para sa bawat Pilipino! Programang pabahay ni PBBM, umaarangkada na sa Metro Manila

Ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ay ang pangunahing inisyatibo ng pamahalaan ni Marcos upang makapagbigay ng maayos na tirahan sa mga informal settlers, na patitirahin muna sa mga pansamantalang lokasyon hanggang matapos ang mga pabahay na kasalukuyan nang ipinapatayo.

Pormal nang sinumulan ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH), na naglalayong tugunan ang kakulangan sa mga tirahan ng mga residente sa Metro Manila.

Sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) nitong Miyerkules, Enero 10, sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority sa Pasig City, sinabi ni Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar na mayroon nang itinatayong 170,000 housing units ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa 55 na proyekto sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ayon kay Local Government Secretary Benhur Abalos, mahalagang papel ang gagampanan ng mga lokal ng pamahalaan sa Metro Manila dahil kabilang sila sa mga tutukoy sa mga lupa ng gobyerno na pwedeng gamitin hindi lamang sa 4PH, kundi bilang pansamantalang tirahan na rin para sa mga ililipat na pamilya sa mga pabahay.

Kaugnay niyan, tiniyak ni Abalos na walang mawawalan ng tirahan sa plano ng pamahalaan.

“The informal settler families will not be displaced as we plan in-city relocation,” giit ni Abalos.

Ang mga alkalde rin ng bawat siyudad sa Metro Manila ang magbibigay sa pamahalaan ng mga listahan ng informal settlers na ililipat sa mga housing units ng gobyerno.

Ang 4PH ay ang pangunahing inisyatibo ng pamahalaan ni Marcos upang makapagbigay ng maayos na tirahan sa mga informal settlers, na patitirahin muna sa mga pansamantalang lokasyon hanggang matapos ang mga pabahay na kasalukuyan nang ipinapatayo.