BROWNLEEEEE! Gilas Pilipinas pinahiya ang China sa Asian Games; pasok sa gold-medal match

Pinangunahan ni Justin Brownlee ang pambansang koponan nang umiskor ito ng 33 points, kabilang ang game-winning three-point shot.

Pinatumba ng Gilas Pilipinas ang China sa sarili nitong homecourt, 77-76, nitong Miyerkules ng gabi, Oktubre 4.

Naging masalimuot ang malaking parte ng laro para sa Gilas, na agad natambakan, 11-2, sa likod ng matinding panimula ng China. Humabol naman rin agad ang koponan ni Tim Cone, subalit umalagwa muli ang Team Dragon, na nakapagtala ng 48-30 na kalamangan sa halftime.

Unti-unti naman tinapyas ng Gilas ang kalamangan sa likod ng matinding laro ni Justin Brownlee na binuhat ang pambansang koponan sa second half ng laro.

Tambak pa rin ang Gilas, 76-67, may tatlong minute na lang ang nalalabi nang magpakawala ito ng 11-0 na pagtatapos—kabilang ang 8 na sunod-sunod na puntos ni Brownlee—upang biguin ang China at mga fans nito.

Tumabo si Brownee ng 33 points sa pitong tres, kabilang ang game-winning three-pointer.

Makakalaban ng Gilas ang Jordan, na unang tumalo sa Pilipinas sa group stage.