Break na tayo! DENR sinuspindi ang kasunduan sa Socorro Bayanihan Services

Maaaring wakasan na ng DENR ang kasunduan nito sa Socorro Bayanihan Services Inc. dahil sa mga diumano'y paglabag nito sa mga probisyon ng kasunduan.

Sinuspindi muna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Biyernes, Setyembre 29, ang protected area management agreement nito sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Surigao del Norte dahil umano sa mga paglabag ng grupo sa mga probisyon ng nasabing kasunduan.

Sinabi ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga sa isang pahayag na kasalukuyang iniimbestigahan ng ahensiya ang umano’y mga paglabag ng SBSI sa terms at conditions ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).

Layon ng kasunduang ito nahayaan ang grupo na i-develop ang isang protected area sa loob ng 25 na taon. Ayon sa DENR, ibinigay ang PACBRMA sa SBSI noong 2004 sa bisa ng National Integrated Protected Areas System Act of 1992.

Subalit simula nitong 2019, sinimulan na ng DENR ang imbestigasyon sa umanoy mga aktibidad na labag sa mga probisyon ng PACBRMA, gaya ng paglalagay ng mga checkpoint at pagsasagawa ng “military-like training” sa loob ng protected area.

Matatandaang under investigation rin ang pamunuan ng SBSI dahil na man sa mga alegasyon ng pang-aabuso at panggagahasa.