Brain Drain? Workers Training at Scholarship sa health care at IT sector suportado ni PBBM

Sa pulong ni Marcos sa Private Sector Advisory Council napag-usapan ang return-service agreement upang maiwasan ang kakulangan ng manggagawa sa naturang sector.

Dahil sa pangamba ng “brain drain” sa sektor ng health care at information technology, isinulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang ibayong pagsasanay at scholarship sa mga manggagawa kapalit ng dalawa hanggang tatlong taong pagtatrabaho sa Pilipinas bago payagang makapag-abroad.

Sa pakikipagpulong ni Marcos sa Private Sector Advisory Council kamakailan napag-usapan ang return-service agreement upang maiwasan ang kakulangan ng manggagawa sa naturang sector.

“We have to come up with some kind of a strategy wherein, let’s say, you provide scholarships and then the scholarship agreement includes that you stay three years. After that then they are free to go,” sabi ni Marcos.

Pinag-usapan sa pulong ang dumaraming mga Pilipino sa health care at IT industry na nais magtrabaho sa ibang bansa para sa mas malaking kita.

Kaugnay nito, iminungkahi ng PSAC sa Pangulo na isulong ang naunang direktiba nito at iprayoridad ang plano ng Department of Health na makipagnegosasyon sa ibang mga bansa tulad sa Canada, Amerika at Australia para mag-adopt ng ospital o paaralan at mamuhunan sa pag-aaral ng mga medical student.