Bodega ng tindahan ng pyesa ng motorsiklo sa Legazpi City, nasunog!

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago naapula ang apoy sa bodega ng mga bumbero.

LEGAZPI CITY – Nilamon ng apoy ang ikalawang palapag ng isang tindahan ng motorcyle parts sa Barangay Lapu-Lapu, Legazpi City pasado alas-8:00 ng umaga nitong Linggo, September 17, 2023.

Ayon sa Legazpi City Fire Marshall na si Chief Insp. Marc Allan Consuegra, umabot ng ikalawang alarma ang sunog kaya humingi na sila ng tulong sa Bureau of Fire Protection (BFAR) Daraga, Camalig, Sto. Domingo at iba pang fire volunteers.

Dakong ala-1:00 ng hapon nang ito ay maideklarang fire out.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na faulty electrical wiring ang posibleng pinagmulan ng sunog.

Wala namang nasaktan o nadamay na katabing establisyimento sa insidente.

Samantala, sa tala ng BFP Legazpi, ito na ang pang-44 na sunog sa lungsod ngayong taon at ika-4 na sunog ngayong buwan.