BOC: P40 milyon halaga ng bigas, nasamsam sa mga warehouse sa Las Piñas, Cavite; may-ari pinagpapaliwanag

Aabot sa P40 milyon ang halaga ng bigas ang kinumpiska ng Bureau of Customs sa isinagawang mga raid nito sa Las Piñas at Cavite.

Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang diumanong puslit na bigas na nagkakahalaga ng tinatayang P40 milyon sa inilunsad na mga raid sa Cavite at Las Piñas.

Isinagawa ng mga operatiba ng BOC ang mga raid sa mga warehouse, na pagmamay-ari ng isang tao, kasama ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard at mga opisyal ng barangay, ayon sa pahayag ng kawanihan.

Ikinasa ang mga raid sa Pulang Lupa, Las Piñas, at Bacoor, Cavite matapos ang matagal na pag-imbestiga, pagkasa ng surveillance at test purchase ng pinagsamang lakas ng BOC Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, Legal Service, at Port of Manila, ayon sa kawanihan.

Ayon sa BOC, nadiskubre nila na ang mga bigas na nakuha sa mga warehouse ay mula sa Vietnam, Thailand at China, na may kabuuang halaga na P40 milyon.

Hiningi na ng BOC sa may-ari ng warehouse ang mga patunay na nakapagbayad ito ng tamang buwis mula sa supplier nila or importer.

Binigyan ng 15 araw ang may-ari para isumite sa BOC ang mga kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang pag-angkat nila ng bigas.

Nalaman ng BOC na ibinebenta ang mga sako ng bigas na may bigat na 25 kilos mula sa warehouse sa P1,320 o P52.8 kada kilo. Lagpas ito sa takdang presyo ng bigas sa ilalim ng Executive Order No. 39.