Blast from the past: Mga siyentipiko nadiskubre ang pinakamatandang fossils sa Masungi

May nadiskubre ang mga geologists at paleontologists ng University of the Philippines-National Institute of Geological Sciences na Gastropod fossils sa Masungi Georeserve na anila ay pinakamatandang fossil records sa bansa.

Nadiskubre kamakailan ng mga geologists at paleontologists ng University of the Philippines-National Institute of Geological Sciences (UP-NIGS) ang mga Gastropod fossils sa Masungi Georeserve sa Baras, Rizal.

Ang gastropod ay isang mollusk na gaya ng kuhol na kayang mamuhay sa karagatan, sa freshwater, o sa lupa.

Batay sa ginawang pag-aaral ng mga nakadiskubre sa nasabing gastropod fossils, ang mga ito maaaring pinakauna at pinakamatandang fossil record sa bansa. Ang mga ito rin anila ay patunay na nakalubog sa tubig ang Masungi Reserve halos 60 milyong taon na ang nakakaraan.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupong mula sa UP-NIGS na mas pangalagaan at proteksyonan pa ang Masungi Georeserve at ang paligid nito.

“The Masungi-Georeserve as a living laboratory for the study and protection of karst terrains represents a unique opportunity for the national and local governments, the academe, and industry partners to come together to develop best practices in the management, protection, and conservation of this important fragile and non-renewable resource,” pahayag ng grupo.

Nauna na nilang nadiskubre sa Masungi ang iba pang mga fossils noong Hulyo 2023.