Biyahe ng PNR sa Metro Manila, garahe sa loob ng 5 taon

Simula Marso 28 ay isasara ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa mga istasyon nito sa Metro Manila upang bigyang-daan ang pagtatayo sa North-South Commuter Railway (NSCR).

Simula Marso 28 ay isasara ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa mga istasyon nito sa Metro Manila upang bigyang-daan ang pagtatayo sa North-South Commuter Railway (NSCR).

Tatagal umano ng limang taon ang tigil-operasyon ng PNR sa mga ruta ng Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang.

Tiwala ang PNR na kapalit ng pagtigil ng kanilang operasyon ang mas mabilis na pagtatayo sa NSCR.

“During the PNR suspension of operations in Metro Manila, the construction of the NSCR will be expedited by eight months, and save at least P15.18 billion from the project,” saad sa pahayag ng PNR ngayong Biyernes.

Ang NSCR ay isang railway transit na magkokonekta sa Pampanga, Bulacan, Metro Manila, at Laguna sa oras na matapos ito.

Samantala, upang saluhin ang mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-biyahe ng PNR, magbubukas ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng mga ruta ng bus.

Ang southbound na biyahe ng bus ay dadaan sa Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall). Alas 7:30 ng umaga ang unang biyahe ng southbound na bus at ang huling biyahe ay alas-9:00 ng gabi.

Samantala, ang northbound na biyahe ay dadaan sa Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban). Ang unang biyahe sa naturang ruta ay alas-5:00 ng umaga habang alas-6:10 ng gabi ang huling biyahe.