Bistado ang maling galawan: Isang Chinese, tatlong Pinoy, arestado sa iligal na pagbebenta ng cellphone at SIM card

Nagbebenta rin diumano ng mga pre-registered SIM cards ang mga suspek para sa mga online scam o online gambling.

Nasakote ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national at tatlong Pilipino na diumano ay iligal na nagbebenta ng mga cellphone at pre-registered na SIM cards.

Tinukoy ng NCRPO ang mga suspek na sina Li Peng, Anelyn Cabiling, Rachelle Bufete, at Antonette Requiero, na nasakote ng mga awtoridad matapos ang isang tip sa kanilang iligal na gawain.

Bago salakayin ang shop ng mga suspek na 88 Xiny Tech, bumili muna ng isang unit ang undercover agent ng NCRPO at isinumite ito sa National Telecommunication Commission. Dito nakumpirmang hindi rehistrado ang mga cellphone na ibinibenta.

Na-recover mula sa mga suspek ang 80 Redmi 12 5G, 60 Redmi Note 11E, 20 Redmi Note 11R, 63 cellphones na Honor o Oppo ang tatak, 50 iPhone, at 52 second-hand iPhone.

Nagbebenta rin diumano ng mga pre-registered SIM cards ang mga suspek para sa mga online scam o online gambling.