Binitbit ng illegal recruiter! 3 babae naharang sa Clark Airport

Nabulilyaso ang tangkang pangingibang-bansa ng tatlong babae matapos madiskubre ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na ilegal ang pag-recruit sa kanila.

Nabulilyaso ang tangkang pangingibang-bansa ng tatlong babae matapos madiskubre ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na ilegal ang pag-recruit sa kanila.

Batay sa ulat ng BI, naharang ang tatlong babae sa Clark International Airport nitong Linggo, kung saan sinabi nilang pupunta sila ng Thailand bilang mga turista. Kasama nila ang isa pang babae.

Ngunit nagduda ang mga opisyal ng BI nang iba-iba ang sagot ng tatlong babae. Dito na nila isinailalim sa secondary inspection ang mga ito, hanggang sa umamin sila na South Korea ang kanilang destinasyon para magtrabaho bilang singer. Ikinanta rin ng mga biktima na ang kasama nilang babae ang kanilang recruiter, na nangakong kikita sila ng P40,000 kada buwan.

Dagdag pa ng mga biktima, gusto talaga nilang mangibang-bansa sa legal na paraan, ngunit pinilit sila ng kanilang recruiter na magkunwari na lamang na mga turista.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang recruiter. Nagbabala naman si BI Commissioner Norman Tansingco na ‘wag magpapaloko sa mga recruiter.

“There are numerous cases documented wherein victims are promised work as entertainers, but end up in prostitution,” saad ni Tansingco. “Aspiring workers should also protect themselves by ensuring that they only apply work through legal means.”