‘Binigay ko ang lahat’: Dee, pinasalamatan ang fans, aminadong dismayado sa hindi pagpasok sa top 5

Partikular na ikinadismaya ni Miss Universe Philippines Michelle Marquez Dee ang hindi niya pagsabak sa question-and-answer portion na para lamang sa limang finalist.

Inamin ni Michelle Marquez Dee na dismayado ito sa hindi niya pagkakasama sa top 5 ng katatapos lang na Miss Universe na ginanap sa El Salvador.

Partikular na ikinadismaya ni Dee ang hindi niya pagsabak sa question-and-answer portion na para lamang sa limang finalist.

“Sayang, hindi ako nakahawak ng mic,” saad niya sa isang panayam sa YouTube channel ng ABS-CBN. “But if anything, just know that I was training the whole year to make sure if ever I had that moment, walang butas.”

BASAHIN RIN: Hindi pinalad ang manok natin: Dee, umabot sa top 10, Miss Universe nasungkit ng Nicaragua

Gayunpaman, taos-puso niyang pinasalamatan ang mga sumusuporta sa kanya at sinabing sapat na rin na kinikilala ng mga ito ang sipag at dedikasyon niyang i-represent ang bansa.

“And kita niyo naman, talagang binigay ko ang lahat. Everything I can afford to give, I left it on that stage. I just left it to destiny,” aniya. “Of course, it’s not the result we wanted but as long as all of you saw the hard work and dedication made not just by myself but also the whole team behind me. That’s enough.”