Bili na kesa mabulok lang! Sari-saring gulay, P20 kada kilo sa Provident Village sa Marikina

Matatagpuan ang naturang tindahan sa The Site Plaza Commercial Center sa may Saint Mary's Avenue sa loob ng Provident Village, Marikina.

Isang sari-sari store sa loob ng Provident Village sa Marikina ang pansamantalang nagbebenta ng sari-saring gulay sa halagang P20 kada kilo.

Ang naturang mga gulay, gaya ng repolyo wombok, at labanos ay galing pang Benguet.

Kwento ni Lynette Bernardo, na may-ari ng nasabing sari-sari store, humingi ng tulong ang mga magsasaka niyang kaibigan na taga-Benguet dahil wala na raw itong mabagsakan ng mga gulay dahil may oversupply na sa iba’t ibang palengke at pamilihan.

“Nanggaling sa Benguet, magkakaibang farmers, nagsama-sama at nagrenta ng truck, nagpunta sa Manila. Sinubukan nilang ibenta sa malalaking palengke—Divisoria, Balintawak—hanggang wala silang napagbagsakan kasi apaw-apaw daw ang gulay,” ani Bernardo.

Dagdag pa niya, limang tonelada ang dalang gulay ng mga kaibigan niya, subalit dalawa lang ang kaya nitong bilhin. Pero umaasa pa rin siyang matutulungan niya ang mga ito.

“Pinangako ko na gagawin ko ang lahat para maibenta ang mga gulay, gagamitin ko social media, kaibigan ko na maraming kakilala, para i-dispose ang gulay nila,” sabi pa niya.

Matatagpuan ang tindahan ni Bernardo sa The Site Plaza Commercial Center sa may Saint Mary’s Avenue sa loob ng Provident Village, Marikina.