Bilang na lang sila: NGO, tutol sa pagtayo ng tulay dahil sa Irrawaddy dolphins na naninirahan sa Iloilo-Guimaras Strait

Ayon sa Earth Island Institute, nanganganib maging extinct ang mga Irrawaddy dolphins na matatagpuan sa Iloilo at Guimaras Straits kung hindi sila mabibigyan nang sapat na proteksyon.

Nanawagan sa pamahalaan ang conservation group na Earth Island Institute na bigyan proteksiyon nito ang mga Irrawaddy dolphins na matatagpuan sa Iloilo at Guimaras Straits.

Ayon sa grupo, tinatayang nasa 10 hanggang 13 na Irrawaddy dolphin ang natitira sa nasabing lugar, at maaaring maglaho na sila nang tuluyan kung matutuloy ang iminumungkahing pagtatayo ng Panay-Guimaras-Negros bridge.

Ikinalungkot naman ng Earth Island Institute ang diumano’y mabagal o kawalang aksiyon upang maisalba ang lumiliit na populasyon ng Irrawaddy dolphins, na isa sa mga rare species na matatagpuan sa Pilipinas.

Dagdag pa ng grupo, masama ang magiging epekto sa marine biodiversity ng Iloilo at Guimaras ang tuluyang pagkalipol ng mga nasabing dolphin.

“To date, there has been very little action in convening the management agencies and implementing the plans laid out by scientists to save the last remaining Irrawaddies of Negros,” pagpupuna niTrixie Concepcion, regional director for Asia Pacific ng Earth Island Institute, sa isang pahayang nitong International Dolphin Day.

Isa ang Irrawaddy dolphin sa mga critically endangered na hayop sa mundo ayon sa International Union for Conservation of Nature.