Bilang na ang inyong araw! DOJ, Comelec, sanib-pwersa laban sa mga election violators

Magtutulungan ang Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) para habulin ang mga lalabag sa election laws sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.

Nagkasundo ang Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) na magtulungan para labanan ang bentahan ng boto sa nalalapit na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Lumagda sa isang kasunduan sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla Comelec chairperson George Garcia para suportahan ang Kontra Bigay program ng komisyon na tutugon sa mga election-related violations sa BSKE.

“Itong ating gagawin na MOA signing ay napakaimportante po lalong-lalo na sa part ng Comelec,” ani Garcia.

“Kung nasa panig po namin ang prosecutorial arm ng pamahalaan… masisigurado natin — hindi lang matatakot — masisigurado natin na sadyang matutukan at magiging seryoso ang kampanya dito sa makabagong cancer ng ating demokrasya,” dagdag pa niya.

Ayon kay Remulla, magpapakalat siya ng mga fiscal sa election period ng BSKE, at magkakaroon rin ng mga legal assistance desk na tutulong sa pagsugpo ng mga election violations sa buong bansa.

“Given this, the fiscals will be available in their offices for the complaints that will be filed. And they can also be called in by law enforcement people once they catch anybody violating the law,” ani Remulla.

“So ano ‘yan eh, may cooperation na naman tayong hinihingi sa ating mga fiscals na siguraduhin na kausap nila lagi ang law enforcement sa pag fa-file ng bawat kaso,” dagdag pa ng opisyal.

Sisiguraduhin ng mga ahensya na mananagot ang mga mahuhuling lumalabag sa batas, ayon kay Remulla.

“By combining the investigatory prowess of the Comelec and the prosecutorial power of the DOJ, we aim to ensure those who commit election offenses will face the full force of the law,” aniya.