Bilang na ang araw sa social media? Instagram ni Rendon Labador, malapit na rin daw ma-delete

Kinumpirma ng content creator na si Rendon Labador na deleted na ang kaniyang mga account sa TikTok, Facebook, at Google, at maaari umanong sumunod na ang kanyang Instagram.

Ilang araw matapos tanggalin umano ng Meta ang Facebook page ni self-proclaimed motivational speaker Rendon Labador, sinabi ng social media personality na maaaring matanggal na rin daw ang kaniyang Instagram account.

Iyan ang pahayag ni Labador sa kaniyang pinakahuling Instagram Story nitong Sabado, Setyembre 9, kung saan inilagay nya ang notice na ipinadala diumano ng Instagram sa kaniya.

Ayon sa post ni Labador, ang kanyang account ay maaaring tanggalin dahil mayroon siyang mga posts na hindi sumusunod sa community guidelines ng sikat na social media platform.

“Nagpapasalamat ako sa mga taong naniniwala at nagpapadala ng mensahe ngayon… Pasensya na at paralisado kaming lahat dahil dito sa pangyayari,” pahayag ni Labador sa kanyang mga followers.

Nauna nang kinumpirma ng kontrobersiyal na personalidad na burado na ang kaniyang mga account sa Facebook, Google, at TikTok.

Gayunpaman, nangako naman ang content creator na siya ang magbabalik pa rin sa social media.