Bilang na ang araw ng mga taga! Mga suspek sa airport taxi scam, tukoy na ng awtoridad

Hindi na bago ang pananaga ng mga taxi driver, o ang pagsingil nang mas malaki kesa sa nakasaad sa metro. Pero sa pagkakataong ito, garapalan na masyado ang ginawa ng mga salarin.

Tukoy na ng mga opisyal ng Manila International Airport Authority ang dalawang “persons of interest” sa airport taxi scam na unang nakunan ng video at nag-viral na sa social media.

Makikita sa nasabing video kung paano singilin ng isang tsuper ng taxi ang isang Taiwanese ng P10,000 para ihatid ito mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 papuntang NAIA Terminal 4. Makikita rin sa video ang isang laminated card kung saan nakalista ang umano’y “regular taxi service meter rates” na nagkakahalaga mula P9,700 hanggang P11,500.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Officer-in-Charge Bryan Co, hindi aabot ng ganun kalaki ang pamasahe mula NAIA papunta sa kahit anong destinasyon sa Metro Manila.

“Even if you go to a destination to the farthest points of Metro Manila, wala namang aabot na P10,000 rate. That’s really a bogus rate. Pinalabas nila, inilagay nila with the logo of DOT, of the authority… Those rates are not part of the approved rate,” aniya.

Dagdag ni Co, natukoy na ng MIAA ang mga suspek sa tulong na rin ng mga footage mula sa CCTV.

“May mga persons of interest na tayo as reported by our security unit, kasi we do have CCTVs available, so may mga nakita na tayo doon. We are doing an investigation so we can get to the bottom of this,” saad ni Co.

Tiniyak rin niyang makakaharap sa mga kaso ang suspek, na hindi raw mga empleyado ng NAIA.