Bilang na ang araw ng mga pabayang ama! Panukalang batas para sa sustento ng mga anak, isinusulong sa Kamara

Layunin ng mga panukalang batas na itaguyod pa ang karapatan ng mga anak ng mga single parents, at obligahin ang mga magulang na suportahan ang mga ito, ayon sa mga mambabatas.

Isinusulong sa Kamara ang pagpasa ng House Bill (HB) No. 44, o ang Child Support Bill at HBN 8987, o ang An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support.

Ang HBN 44 ay naglalayong protektahan ang mga solo parents at mga anak nito, habang oobligahin naman ng HBN 8987 ang mga ama na magbigay ng suporta sa kanilang mga anak.

“We are working on these and continually holding consultations to refine these [proposed] laws, and we want to ensure the protection of solo parents and their children,” sambit nina House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partly-list Rep. Erwin Tulfo at House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza.

Sa ilalim ng dalawang panukalang, magiging mandatory na ang pagbibigay financial support sa mga anak at maaaring mauwi sa kalaboso ang mga magulang na lalabag dito.