Biktima ng paputok, umakyat na sa 231; sanggol, nadamay rin—DOH

Sa tinatayang 231 na kaso ng fireworks-related injuries, 11 rito ang nagresulta sa pagputol ng daliri. Halos kahalati naman ay nadamay lang.

Umabot sa 116 ang fireworks-related injuries (FWRI) ang naitala ng Department of Health (DOH) nitong bisperas ng Bagong Taon, kaya naman tumaas na ang kabuuang bilang sa 231.

“Ito ang una nating New Year na na-lift na yung public health emergency. For this, nag-umpisa na naman na magpaputok at nakita naman natin na tumaas ng kaunti ang ating in fireworks-related injuries,” paliwanag ni Health Secretary Ted Herbosa sa isang press briefing nitong Lunes, Enero 1.

Ang naturang datos ay nakulekta simula Disyembre 21, 2023 hanggang 5:59 a.m. nitong Enero 1.

Kabilang sa mga biktima ng paputok na naitala ng DOH ay isang 11-buwang sanggol na nalapnos ang mukha nang matamaan ng piccolo. Isang 76-anyos na lolo rin mula sa Ilocos ang nasaktan matapos naman tamaan ng kwitis na kaniyang sinindihan.

Ayon sa DOH, maaari pang tumaas ang kabuuang bilang ng FWRI dahil may mga aberya sa pag-uulat at pagtatala.

“Due to delays in reporting, this number could be higher, and we will update,” saad ni Herbosa.