Biktima ang Pinoy: 17 Pilipino, kasama sa mga na-hostage sa isang cargo vessel

Hinala ng ibang mga eksperto, ang pag-hijack ay maaaring may kinalaman sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, Nobyembre 22, na may 17 Pilipino hawak ngayon ng mga tulisang nang-hijack sa isang cargo vessel sa Red Sea noong Nobyembre 19 pa.

“May 17 na Pilipino ayon sa manning agency kasama ‘yong mga iba’t ibang dayuhan,” saad ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega sa isang panayam sa Unang Balita ng GMA.

Kasama ng mga Pilipino ang iba pang crew members na galing sa Bulgaria, Romania, Ukraine, Mexico, at iba pang mga bansa.

Dagdag ni de Vega sinabi na ng mga salarin na hindi nila sasaktan ang mga nasa cargo vessel. Gayunpaman, tiniyak niyang gagawin ng pamahalaan ang lahat upang mailigtas ang mga Pilipino na-hostage.

“Nevertheless, different government agencies here will be holding a meeting with Malacañang, together with the Department of Migrant Workers and Overseas Workers Welfare Administration, to discuss this situation,” aniya. “Alinsunod sa mga instruction ng Pangulo lahat ay ginagawa ng pamahalaan para tiyakin na makakaligtas sila at hindi pababayaan ang kanilang kapakanan.”

Hinala ng ibang mga eksperto, ang pag-hijack ay maaaring may kinalaman sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.