Bike lane planong burahin sa EDSA

Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong alisin ang mga bicycle lane sa kahabaan ng EDSA.

Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong alisin ang mga bicycle lane sa kahabaan ng EDSA.

Ang pag-aalis ng bike lane ay isa sa mga tinitingnang hakbang upang makapaglagay ng exclusive motorcycle lane. Samantala, ang motorcycle lane ay isa rin sa mga nakikitang paraan para makapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.

“It is still being studied… considering that we (have) probably the only major highway in the world where there are bicycles,” saad ni MMDA chairman Romando Artes.

Ayon kay Artes, nasa 1,500 lamang ang mga bisikleta na dumadaan sa EDSA kada araw. Sa kabilang dako, pumapalo sa 170,000 ang mga motor na bumabaybay sa nabanggit na kalsada araw-araw.

Samantala, naniniwala naman si Artes na magiging delikado kung gagawan ng iisang lane ang mga bisikleta at motorsiklo.

Ang mga bike lane sa EDSA at sa iba pang lansangan sa Metro Manila ay sinimulang ilagay noong panahon pa ng pandemya, kung saan mahigpit ang pampublikong transportasyon kaya’t marami ang gumamit ng bisikleta sa pagbi-byahe.