Bigyan ng card yan! Palawakin ang Food Stamp Program para sa mas maraming Pilipino – PBBM

Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin pa ang Food Stamp Program ng DSWD matapos ang matagumpay na pamamahagi ng mga electronic benefit transfer cards na para rito.

Matapos ang matagumpay na pamamahagi ng mga electronic benefit transfer (EBT) cards sa ilalim ng Food Stamp Program (FSP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), inanunsiyo naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na target pang palawakin ng pamahalaan ang nasabing programa.

“We will be upscaling it within the next month or so,” pagtitiyak ng pangulo sa isang panayam matapos ng EBT card distribution sa Siargao noong Biyernes, Setyembre 29. “We are aiming at the next phase of this rollout. We are already looking at 3,000 families to be beneficiaries.”

Noong Biyernes ay pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng mga naturang EBT cards na may lamang P3,000 food credits sa humigit-kumulang 50 benepisaryong pamilya sa Siargao Island.

Sa kabuuan, pumalo na sa 100 ang benepisaryo ng FSP sa buong bansa ilang buwan lamang matapos i-test run ng DSWD ang nasabing programa sa Tondo noong Hulyo.

Pinasalamatan rin ng pangulo ang mga international sponsors ng FSP, kabilang na ang World Food Program ng United Nations, Asian Development Bank, at gobyerno ng France.