Bigyan ng budget ‘yan! Solon, isinusulong ang dagdag na pondo upang matugunan ang learning loss na gawa ng COVID-19

Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na maglaan ng pondo para sa learning recovery bunsod ng matinding learning loss nang dahil sa COVID-19 pandemic. Ang nasabing pondo ay isasama sa budget ng Department of Education sa 2024.

Hindi makakaila na nagkaroon ng malaking learning loss o kawalan sa pagkatuto ang mga mag-aaral sa bansa gawa ng COVID-19 pandemic, na nagresulta sa matagal na suspensiyon ng mga klase.

Kaya naman nais ni Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na maglaan rin ng pondo para sa learning recovery plan na isasama sa budget ng Department of Education (DepEd) para sa fiscal year 2024.

Kaugnay nito, inatasan ni Gatchalian ang DepEd na magbigay ng listahan ng mga kailangan nito upang mapatupad ang nasabing learning recovery measures. Hiningi ito ng senador sa katatapos na pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng DepEd at ng mga kalakip na ahensya nito.

“Since we are still recovering from the impact of the Covid-19 pandemic, we want to make sure that there are funds for learning recovery under the DepEd’s 2024 budget,” paliwanag ni Gatchalian sa isang news release.

Sinabi ng DepEd na opisyal nitong isusumite ang kanilang budgetary requirements para maipatupad ang learning recovery.

Nauna na ring inanunsyo ng ahensya ang kanilang mga programa para sa learning recovery, kabilang na ang National Reading Camp, National Mathematics Program, at National Science and Technology Program.