Biglang taas ng bill sa tubig? MWSS, may payo sa mga isyu sa billing ng tubig

Pinayuhan ng MWSS ang mga consumer na busisiin mabuti ang mga bill nito sa tubig upang makita kung may mga hindi pangkaraniwan dito, gaya ng sobrang pagtaas nito. Sa ganitong pagkakataon, dapat idulog ito sa water concessionaire para maimbestigahan agad.

Tumaas ba bigla ang bill mo sa tubig kahit pareho lang naman ng konsumo sa mga nakaraang buwan?

Sa ganitong pagkakataon, ibinahagi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga maaaring gawin ng customer kapag hindi pangkaraniwang ang pagtaas ng water bill.

“Ang karapatan po ng consumer ay mag-complain po at request their respective concessionaire or service provider to investigate this immediately,” paliwanag ni MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty sa isang panayam sa radyo.

“During this time, hindi po sila kailangan magbayad at hindi po sila pwede putulan ng tubig,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Ty, una nang sinabihan ng MWSS ang mga water concessionaires gaya ng Maynilad at Manila Water na huwag muna ibigay ang water bill sa ganitong mga pagkakataon at sa halip ay suriin muna kung may biglang pagtaas o pagbaba ng bayarin.

Kung hindi kuntento sa imbestigasyon ng Maynilad o Manila Water, maaaring ilapit ang isyu sa MWSS.

Dagdag pa ni Ty, human error ang karaniwang sanhi ng biglaang paglobo ng water bill.

Pinayuhan din ni Ty ang publiko na palagi suriin ang paligid sa mga posibilidad na may leak ang mga tubo ng tubig, na maaari namang magdulot ng pagtaas sa bill.