Bigas, ATBP! Puslit na bigas, iba’t ibang gamit na may halagang higit sa P400 milyon, nasamsam ng Customs sa mga warehouse sa Tondo

Nadiskubre ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang higit sa P400 milyong halaga ng pinaghihinalaang puslit na gamit at bigas sa tatlong warehouse sa Tondo, Maynila.

Tumambad sa Bureau of Customs (BOC) ang higit sa P400 milyong pinaghihinalaang puslit na gamit at bigas sa tatlong magkakasunod na inspeksyon na isinagawa ng mga operatiba nito sa Maynila noong Sabado, Setyembre 16.

Sa isang pahayag ngayong Lunes, Setyembre 18, sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na nadiskubre ng mga operatiba ng BOC ang iba’t ibang uri ng gamit gaya ng laruan, cosmetics, gamit sa kusina, tela, sapatos, at iba pa sa mga raid na isinagawa nila na nagkakahalaga ng P310 milyon.

Natunton rin ng mga operatiba ng Customs ang 36,086 na sako ng bigas mula Vietnam, Thailand, at Myanmar na nagkakahalaga ng P90.2 milyon, ayon kay Rubio.

“While our government and kababayans scramble to make rice cheaper and more accessible, these businesses are possibly smuggling and hoarding them, which further adversely impacts our efforts to bring the prices down,” sinabi ni Rubio.

Ayon kay Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy, nagsanib-pwersa ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpapatupad sa inspeksyon ng mga warehouse sa Antonio Rivera Street, at Dagupan Street sa Tondo.

“We were expecting to find rice, but it was still disappointing to see tens of thousands of sacks of rice in these storage areas, especially since our very own people are clamoring for more supply and to bring the prices down further even amid the price ceiling we now have,” ani Uy.

Kinandado na ang mga warehouse at kasalukuyang iniimbentaryo ng Customs examiner ang mga kasangkapan doon.