BI sa mga OFW: Ingat sa 3rd country recruitment modus

Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration ang mga OFWs na tiyakin na lehitimong recruiter lang ang kausap matapos ma-biktima ang limang OFW sa Moscow ng 3rd country recruitment

Muling pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na suriing mabuti ang mga alok ng trabaho sa kanila, at siguruhing lehitimong recruiter ang kausap nila upang maiwasan maging biktima ng 3rd country recruitment.

Nagbabala muli ang BI laban sa 3rd country recruitment matapos mapauwi sa bansa ang limang OFW na na-deport mula Moscow matapos silang mabiktima ng mga recruiter sa ilalim ng modus.

Nagmula ang mga biktima sa Hong Kong bago lumipad patungong Moscow.

Paliwanag ng BI, delikado ang modus na 3rd country recruitment dahil mahihirapan ang mga awtoridad ng Pilipinas na tuntunin ang mga mamamayan nito sapagkat wala silang record sa paglipad sa bansa maliban sa lugar ng kanilang pormal na deployment.

Kadalasan nabibiktima ng 3rd country recruitment ang mga OFW na expired na ang kontrata sa bansa ng deployment at sa halip na umuwi sa Pilipinas, ay nagpupunta na lamang sa iba pang bansa para magtrabaho.

Umapela ang BI sa mga OFW na siguruhin lang na lehitimo ang mga recruiter na kanilang kakausapin at mag-background check rin sa mga inaalok na trabaho upang hindi mahulog sa patibong ng mga illegal na recruiter.