BI, nababahala sa dami ng mga sex offender na nagtatangkang pumasok ng Pilipinas

Mabuti na nga lang at ginagawang mabuti ng Bureau of Immigration ang mandato nito at naharang na ang mahigit 150 sex offenders na nagtangkang pumasok sa Pilipinas.

Nababahala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa pagtaas ng bilang ng mga foreign registered sex offenders (RSO) na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.

Batay sa datos ng BI, mahigit 150 foreign RSO na ang naharang ng ahensiya, kabilang ang dalawang Amerikano dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules, Nobyembre 29.

Tinukoy ni Tansingco ang mga Amerikano na sina Francisco Narvios Tecson, 55, at Dale Lloyd Bayless, 65.

“Tecson was convicted in Texas in 2010 for having indecent contact with an eight-year-old female,” saad ng BI. Si Bayless naman ay “convicted in 1990 of sodomy for an offense in 1989 against a nine-year-old female victim in Neosho, Missouri.”

Sinabi ni Tansingco pinabantayan niya ang dalawa matapos makakuha ang BI ng impormasyon mula sa Philippine Center on Transnational Crime na nagbabalak nga silang pumunta sa Pilipinas.