BI, hinuli ang isang Pranses sa Isabela na walang pasaporte, visa

Dinakip ng mga ahente ng Bureau of Immigration ang isang dayuhang Pranses sa Isabela na nadiskubreng paso na ang passport at walang kaukulang papeles.

Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan na sundin ang mga panuntunan sa immigration laws ng bansa matapos ang pagdakip sa isang Pranses na walang kaukulang pahintulot na mamalagi dito.

Noong Setyembre 5, Martes, dinakip ng mga ahente ng kawanihan ang Pranses na si Yassine Nouraddine Debah, 51, sa Victory Norte sa Santiago City, Isabela matapos ang dalawang araw na pagmamatyag.

“We will not tolerate overstaying aliens who disregard the legal requirements of their stay in our country,” sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag.

Mananatiling nasa pangangalaga ng BI si Debah sa Taguig habang sumasailalim siya sa deportation proceedings.

Nadiskubreng wala nang dokumento si Debah at nag-overstaying matapos ma-paso ang kanyang passport, na isang paglabag sa Philippine Immigration Act ng 1940.

“We will continue to be vigilant and proactive in ensuring that immigration regulations are upheld,” dagdag pa ni Tansingco.