BI: Biktima ng human trafficking, huli sa NAIA Terminal 1 matapos gumamit ng pekeng Belgian passport na nabili diumano sa TikTok

Timbog ang isang indibidwal na nagtangkang umalis ng Pilipinas gamit ang isang Belgian passport na diumanong nabili niya sa TikTok na nagkakahalaga ng P700,000.

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang biktima ng human trafficking matapos magpakita ito ng pekeng Belgian passport na diumano niyang nabili sa social media app na TikTok.

Sa isang pahayag, sinabi ng BI na nagtangkang sumakay sa Kuwait Airlines flight ang biktima na papunta sana ng Ercan, Cyprus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Sa pagtatanong ng mga immigration officer, sinabi ng biktima na pupunta siya umano ng Izmir, Turkey mula Kuwait.

Kinuha ng mga immigration officers ang mga travel documents nito para salain pa ng mas masinsin matapos mapansin na hindi tugma ang mga tatak sa kanyang pasaporte.

Dito na natukoy ng mga kawani ng BI na peke ang ipinakita ng biktima na pasaporte, residence card, at mga immigration stamps.

Unang sinabi ng biktima na siya ay diumanong isang Belgian national. Ngunit kalauanan, umamin rin siya na dating overseas Filipino worker na may Philippine passport.

Ayon sa biktima, nabili niya ang pekeng EU passport sa TikTok na nagkakahalaga ng higit sa P700,000 para makapagbiyahe sa mga miyembro ng samahan nang walang visa. Pinangakuan siya diumano ng trabaho bilang caregiver na may sahod na P180,000 kada buwan sa Greece.

Inilipat ng BI ang kustodiya ng biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking upang matulungan siyang magsampa ng kaukulang reklamo laban sa recruiter niya.