BFAR: Corals na tinangay ng China, makakaapekto sa food security ng Pilipinas

Binigyang-diin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makakaapekto rin sa food security ng bansa ang diumano'y iligal na pagkamkam ng China sa mga coral reefs sa Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Hindi lamang sa kalikasan ang pinsalang dulot ng diumano’y iligal na pagkuha ng mga Chinese vessels sa mga coral reefs sa Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nasabing pangyayari ay maaaring makaapekto rin sa food security ng bansa.

“Dapat nating maintindihan na may tinatawag tayong interconnectivity ng ating marine ecosystem,” paliwanag ni BFAR spokesperson Nazario Briguera nitong Lunes, Setyembre 18, sa isang public hearing ng Bagong Pilipinas Ngayon.

“Iyong pagkasira na nangyayari sa West Philippine Sea ay hindi lamang ito pagkasira sa panig ng Pilipinas. Inilalagay din nito sa alanganing sitwasyon ang fish sufficiency at ang food security ng lahat ng mga bansang nasa region, nasa paligid ng regions na iyon, ng West Philippine Sea,” ani Briguera.

Bukod pa rito, ang presensiya aniya ng mga Chinese vessels at kung sinumang banyaga sa naturang teritoryo ay banta rin sa kasarinlan at seguridad ng bansa.