BFAR, bumuo ng team na mag-iimbestiga sa cyanide fishing sa Bajo de Masinloc

Bumuo na nang isang investigation team ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang suriin ang napabalitang paggamit ng cyanide ng mga dayuhang mangingisda sa Bajo de Masinloc.

Bumuo na nang isang investigation team ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang suriin ang napabalitang paggamit ng cyanide ng mga dayuhang mangingisda sa Bajo de Masinloc.

“Ang inisyal nating ginagawa ay magkaroon ng pagkalap ng mga opisyal na pahayag doon sa mga mangingisda, mga sworn statement, para magamit natin basehan,” ani BFAR spokesperson Nazario Briguera sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon.

“Ngayon na-organisa natin, iyong team from our legal department. Iyong mga personnel namin bababa doon sa lugar kung saan nandoon iyong mga mangingisda,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay iniulat ng BFAR na ayon sa mga Pilipinong mangingisda, gumagamit ang mga Vietnamese at Chinese ng cyanide sa pangingisda sa Bajo de Masinloc na kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal.

Ayon mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., maaring magsampa ng kaso ang Pilipinas kung mapapatunayan na totoo ang sinabi ng mga mangingisda.

Kasunod nito, nagpahayag ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno ng suporta para imbestigahan at mangalap ng ebidensya tungkol sa insidente.