BFAR bibili ng bagong floating assets para sa mangingisdang Pinoy sa WPS

Sinabi ni Nazario Briguera, BFAR Spokesperson at Head ng Information and Fisherfolk Coordinating Unit, naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa procurement ng floating assets.

Bibili ang gobyerno ng mga bagong floating asset para umasiste sa mga mangingisdang Pilipino na pumapalaot sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), layon nitong mapalakas ang presensya ng bansa sa naturang karagatan sa gitna ng mainit na usapin sa pag-angkin ng teritoryo.

Sinabi ni Nazario Briguera, BFAR Spokesperson at Head ng Information and Fisherfolk Coordinating Unit, naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa procurement ng floating assets.

“Para po ito din sa ating mga mangingisda na meron pong platform ang pamahalaan para po mas maipaabot pa sa kanila yung tulong ng pamahalaan at makita nila yung presensya ng pamahalaan doon po sa West Philippine Sea,” ani Briguera.

Kabilang sa planong bilhin ng gobyerno ang monitoring and surveillance patrol vessels maging mga food boat. Maglalaan din ng programa para sa mga mangingisda sa WPS.

“Dati kasi, pag nagmimisyon diyan yung ating barko, nakakakita tayo ng mga nasa 30 barko, mga banyagang barko na umaaligid. Pero noong Feb 5, matagumpay, wala tayong namataan na mga banyagang barko ng Tsina at yun nga nakapagbigay tayo ng fuel dun sa mga mangingisda, mga nasa 13 tons yan ng diesel at nagbigay rin tayo ng ready to eat snacks pati yung mga medicines. Ang kanilang huli ay umabot sa 12 tons nung mga panahong iyon,” dagdag ni Briguera.