Bayan ng Malabang, Lanao del Sur, nais isailalim sa kontrol ng Comelec

Isusulong ni Commission on Elections chair George Garcia ang paglagay sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur sa ilalim ng kontrol ng komisyon matapos ang insidente ng pamamaril sa munisipyo para takutin ang mga lalahok sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Maaaring isailalim ang bayan ng Malabang, Lanao del Sur sa control ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos ang insidente ng pamamaril doon habang naghahain ng kandidatura ang mga lalahok sa halalan.

Sinabi ni Comelec chair George Garcia na irerekomenda niya sa komisyon na ilagay sa kontrol ng Comelec ang Malabang matapos paputukan ng dalawang armadong kalalakihan ang munisipyo noong Agosto 31 sa kasagsagan ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato.

“‘Yun ay ginawa nila upang takutin ang mga nagpa-file ng certificates of candidacy at pigilan na mag-file sila ng COC. ‘Yung nagpa-file na kandidato for Barangay Kagawad at Chairman ay ‘yan ay mga kababaihan,” ani Garcia.

Sumuko na ang mga sangkot sa insidente at napag-alaman na diumano nagtatrabaho para kay Malabang Mayor Alinader Balindong. Nakatakdang sampahan ng kaso ang mga suspect, na kasalukuyang nakakulong.

Nagpalabas na rin ang komisyon ng show-cause order laban kay Balindong. Pinagpapaliwanag ng komisyon si Balindong sa Comelec law department sa Setyembre 20 tungkol sa insidente.

Nangangamba si Garcia sa seguridad sa bayan kaya hihikayatin niya ang komisyon na magpasyang ilagay sa kontrol nito ang Malabang.

“Ako po mismo ang magre-recommend ng Comelec control sa mismong Malabang at ang bawat commissioner ay aking kinukumbinse na ‘yan ay malagay sa Comelec control. Nakita kaagad nila na maaaring maging magulo ang eleksyon sa darating na October 30,” ani Garcia.

“Maaring sumiklab anytime ang kaguluhan dyan dahil sa magkakamag-anak. Para mapigilan, kailangan panindigan ng Comelec na kami ang may control sa mismong lugar,” dagdag pa niya.