Bawal tumakbo ang mga convict! Data sharing sa pagitan ng Ombudsman, Comelec, pinag-aaralan–Garcia

Tanging mga overage para sa pwesto sa Sangguniang Kabataan at mga indibidwal na hindi malinaw ang residency ang maaaring tanggihan ng Commission on Elections (Comelec), ayon sa opisyal nito.

Pinag-aaralan ni Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia ang pagkakaroon ng data sharing na kasunduan sa pagitan ng komisyon at ng Office of the Ombudsman para harangin ang mga kandidatura ng mga taong habangbuhay na diskwalipikadong humawak ng pwesto sa gobyerno.

Sa kasalukuyan, walang kapangyarihan ang Comelec na tanggihan ang mga certificates of candidacy (COC) ng mga nais tumakbo sa halalan.

Tanging mga overage para sa pwesto sa Sangguniang Kabataan at mga indibidwal na hindi malinaw ang residency ang maaaring tanggihan ng Comelec, paliwanag ni Garcia, isang tanyag na election lawyer bago ang pagkakahirang niya sa komisyon.

Para sa mga taong maaaring diskwalipikado dahil sa usapin ng citizenship o paghatol ng korte, walang choice ang komisyon kundi tanggapin ang kanilang COC, ani ni Garcia.

“Maganda pag-isipan in the future, dito papasok ‘yung mga data sharing. Data sharing with Office of the Ombudsman. Ang kagandahan sa data sharing kahit walang documentation pagka pwede lang naming i-access kaagad, makikita na kaagad natin…Puwede po kami mag data share basta mapoprotektahan ang privacy ng mga tao,” sinabi ng opisyal.

Sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections, sinabi ni Garcia na kinansela ng komisyon ang COC ng 11 na kandidato na natukoy nilang habangbuhay na diskwalipikado sa pangpublikong opisina.

Giit pa ni Garcia na lahat ng desisyon ng Office of the Ombudsman ay kaagad na ipinatutupad. Kahit nakabinbin pa ang apela ng mga kandidato, ganap na ipinatutupad ang desisyon at tanging restraining order lang mula sa korte ang makakapigil dito, ayon pa sa opisyal.